MAGKAISA PARA SA BAYAN, INC.

THE OFFICIAL SITE
Your Subtitle text
Excerpts from Aklat ng Malakas

 

 

1.      Sa Ngalan ng Diyos, nawa’y magkaisa tayo sa pagtatayo ng isang ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na bayan, para sa ating mga anak at kabataang Pilipino (Hangarin at Adhikain, AM).  

 

2.      Pangarap ng inyong lingkod at ng marami sa atin ang mamuhay at makapagpalaki ng anak sa isang ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na bayan. Kaya’t gumising, magbago, kumilos at magkaisa tayo para sa ikabubuti at ika-uunlad ng ating bayan. Ikaw, siya, sila, tayong lahat ay dapat magkaisa sa pagtatayo ng isang ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na bayan. Nawa’y tulungan tayo ng Panginoong Diyos, alang-alang sa ating pamilya, kapwa at Inang Bayan (Paunang Salita, AM).

 

3.      Upang makapagtayo at makapagbuo ng ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na lipunan ay kinakailangang maging mga lider ang ating mga mamamayan (Mga Lider Ang Kailangan, page 1, AM).

 

4.      Ang paggawa ng mga maliliit at simpleng bagay na makatutulong sa ating kapwa ay liderato. Ang pagtulong sa pagtawid sa mga matatanda at may kapansanan ay liderato. Ang hindi pagkakalat sa lansangan ay liderato. Ang hindi paninigarilyo sa lugar na bawal manigarilyo ay liderato. Ang pagtatanim ng puno at pagkalinga sa kalikasan ay liderato. Ang hindi pagsang-ayon sa paggawa ng masama, gaya ng pagtanggi sa droga ay liderato. Ang pagdulot ng pagkain, sa ating mga anak, na bunga ng matapat at marangal na gawain ay liderato. Ang pagbigay ng wastong sahod sa mga empleyado ay liderato. Ang pagbayad ng tamang buwis sa gobyerno ay liderato.  Ang hindi pagbenta ng boto ay liderato. Ano mang gawa, maliit man o malaki, na nakatutulong sa ating kapwa at bayan ay liderato (Mga Lider Ang Kailangan, pages, 2-3, AM). 

 

5.      Hindi kinakailangang maging malaking tao o may pinag-aralan tayo upang maging mga lider ng ating lipunan. Ang kinakailangan lamang ay gawin natin ang mga maliliit at simpleng bagay na makalulugod sa ating kapwa at makatutulong sa ating kumunidad (Mga Lider Ang Kailangan, page 4, AM).

 

6.      May solusyon sa mga malulubhang problema ng ating bayan. Ito ay ang bawat isa sa atin. Ang bawat mamamayan ng ating bayan. Ikaw, siya, sila, tayong lahat, ang solusyon sa mga suliranin ng ating bayan (Ang Kalagayan ng Ating Bayan, Ch.1, page 11, AM).

 

7.      Ang bawat mamamayan ay bahagi at haligi ng lipunan. Ang katayuan at kaanyuan ng lipunan ay larawan ng mga mamamayang bumubuo nito (Mga Tungkuling Magbubunga ng Magandang Lipunan, Ch.2, page 13, AM).

 

8.      Upang maging mabuting bahagi at matibay na haligi ng lipunan, kinakailangang magkaroon ng pagbabago sa ating sarili. Ito’y makakamtan sa pamamagitan ng pagkilala at pagtupad sa ating mga tungkulin bilang nilalang ng Diyos, miyembro ng lipunan at sanlibutan (Mga Tungkuling Magbubunga ng Magandang Lipunan, Ch.2, page 14, AM).

 

9.      Ang pagtatayo at pagbubuo ng isang ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na lipunan ay magmumula sa bawat mamamayan. Sa ating sarili (Mga Katangian at Pamantayan ng Mabuting Mamamayan, Ch.3, page 17, AM).

 

10.    Upang maging mabuting bahagi at matibay na haligi sa pagbubuo ng isang ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na bayan, kinakailangang itama at isaayos natin ang ating relasyon sa Diyos, sa ating sarili, pamilya, kapwa, kalikasan at pamahalaan (Mga Katangian at Pamantayan ng Mabuting Mamamayan, Ch.3, 22, AM).

 

11.    Ang mamamayang makatutulong sa pagbubuo ng ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na bayan, ay una sa lahat, mapanalig sa wika at kapangyarihan ng Diyos (Diyos lang ang Maaasahan. Mapanalig sa Wika at Kapangyarihan ng Diyos, Ch. 4, page 23, AM).

 

12.    Tanging Diyos lamang ang maaasahan at magliligtas sa atin sa lahat ng sandali ng ating buhay, sa ating pagsilang, paglaki, pamumuhay at kamatayan (Mapanalig sa Wika at Kapangyarihan ng Diyos, Ch. 4, page 25, AM).

 

13.    Ang Diyos ang tanging tapat at may tunay at wagas na pag-ibig sa atin, hindi sino pa man (Mapanalig sa Wika at Kapangyarihan ng Diyos, Ch. 4, page 26, AM).

 

14.    Manalig tayo sa Kanyang wika at kapangyarihan.  Ang taong nananalig sa wika at kapangyarihan ng Diyos ay hindi pumapatay, nagnanakaw, nagsasamantala, nanloloko at nagpapahirap sa kapwa (Mapanalig sa Wika at Kapangyarihan ng Diyos, Ch.4, page  26, AM).

 

15.    Ang Diyos lamang ang dapat nating mahalin at sambahin. Wala ng iba. Kung magagawa natin ito ay maitutuwid, mababago at mapauunlad natin ang ating sarili, tayo’y magiging mabuting magulang, asawa, anak, kaibigan at miyembro ng lipunan (Mapanalig sa Wika at Kapangyarihan ng Diyos, Ch.4, pages 26-27, AM).

 

16.    Sa kabila ng hirap, kataksilan at iba’t ibang tukso sa lipunan ay huwag nating kalimutang tanging Diyos lamang ang makalulutas sa ating kahirapan, kalungkutan, pangamba at mga kahinaan. Malalampasan natin ang lahat ng problema at mga pagsubok sa buhay kung tayo’y laging tatawag at mananalig sa Kanya at kung tutulungan natin ang ating sarili, matapos humingi ng Kanyang awa, gabay at pagpapala (Mapanalig sa Wika at Kapangyarihan ng Diyos, Ch.4, page 27, AM).

 

17.    Ang mamamayang nagnanais  makatulong sa pagtatayo at pagbubuo ng ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na lipunan ay kinakailangang magkaroon ng mapayapa at malayang isipan at katauhan (Mapayapa at Malaya ang Isipan at Katauhan,  Ch.5, page 28, AM).

 

18.    Ang pagkakaroon ng mapayapa at malayang isipan at katauhan ay hindi nasusukat sa kawalan ng mga materyal na bagay upang ang tao’y mamuhay nang magara at marangya. Maling kaisipan ang turingan natin ang halaga ng buhay ayon sa mga bagay na wala tayo–pera, bahay, lupa, kotse, alahas o negosyo (Mapayapa at Malaya ang Isipan at Katauhan, Ch.5, page 29, AM).

 

19.    Anong katahimikan mayroon ang taong ang tinatapakan ay ang kumunoy ng mga krimen at pandarayang  kanyang ginawa? (Mapayapa at Malaya ang Isipan at Katauhan, Ch.5, 31, AM)

        

20.    Maraming tao na ang umunlad at gumanda ang buhay sa kabila ng matinding kahirapan at kapansanan, sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos at sarili at pagkakaroon ng sipag, tiyaga, determinasyon, lakas ng loob at matapat na pakikitungo sa kapwa. Dapat nating isipin na ang karitong ating tinitirhan ay may mga gulong na naghihintay lamang nating itulak sa tamang landas, upang marating natin ang isang malinis, matahimik at maayos na pamumuhay (Mapayapa at Malaya ang Isipan at Katauhan, Ch.5, 31, AM).

 

21.    Wala sa materyal o makamundong bagay ang kasiyahan ng buhay. Hindi ginto o kamunduhan ang pakay ng buhay, subalit pag-ibig at kapayapaan—sa Diyos, sa ating sarili, pamilya at kapwa (Mapayapa at Malaya ang Isipan at Katauhan, Ch.5, 32, AM).  

 

22.    Upang makapagtayo at makapagbuo ng ligtas, mapayapa, makatarungan, malinis at maunlad na lipunan ay kailangang ang mga mamamayan ay may mataas na antas ng paninindigan at mapagpahalaga sa katotohanan at karangalan (Paninindigan, Katotohanan at Karangalan, Ch. 6, page 33, AM).  

 

23.    Ang paninindigan ay para sa tama lamang. Hindi tayo maaaring manindigan para sa mali. Ang katotohanan ay para sa totoo lamang. Hindi maaring magkatotoo ang kasinungalingan. Ang karangalan ay para sa kabutihan lamang. Hindi maaaring maging karangalan ang kasamaan (Paninindigan, Katotohanan at Karangalan, Ch. 6, page 33, AM).  

 

24.    Marami nang nagsabi na “hindi nakakain ang prinsipyo.” Totoo. Sapagka’t talaga namang hindi kinakain ang prinsipyo. Ang prinsipyo ay hindi nakikita at hindi nalalasahan, subali’t ito’y maaaring panghawakan at dapat maging gabay sa ating pagkatao. Ang pagkakaroon ng mataas na antas ng paninindigan at ang pagpapahalaga sa katotohanan at karangalan ay ang kabuuhan ng ating prinsipyo. Huwag nating ipagbili ang ating prinsipyo. Huwag nating hayaang lumaki ang ating mga anak na walang prinsipyo. Huwag tayong patalo sa mga gahamang tao na pati ang prinsipyo na hindi nakikita at hindi nalalasahan ay gustong lamunin (Paninindaigan, Katotohanan at Karangalan, Ch. 6, pages 36- 37, AM).

 

25.    Mamuhay tayo ng parehas. Labanan natin ang bulok na kaisipan na umiiral sa ating lipunan na maaari nating gawin ang lahat, kasinungalingan, pagsasamantala, panloloko at katiwalian, umasenso lang ang ating buhay. Iwaksi natin sa ating katauhan ang kasinungalingan, pagsasamantala, panloloko at paggawa ng katiwalian. Ang taong kalaban ng kasinungalingan, pagsasamantala, panloloko at katiwalian, ang maaasahan sa pagbabago at pagpapaunlad ng ating bayan (Kasinungalingan, Pagsasamantala, Panloloko at Paggawa ng Katiwalian, Ch.7, page 42, AM).

 

26.    Dapat nating pangalagaan ang ating kalusugan, hindi lamang para sa ating sarili, subalit para sa ating mga anak at mahal sa buhay. Walang magmamahal at magkakalinga sa kanila, katulad ng ating pagmamahal at pagkalinga, kung tayo ay mawawala (Kalusugan, Kalinisanan at Kabuhayan, Ch. 8, page 43, AM).

 

27.    Ang malinis na tahanan ay yung may malinis na palikuran. Hindi marumi o makalat. Yung kahit na barong-barong ay magandang pamahingahan sapagka’t ang mga maliliit na kasangkapan ay malinis at nasa tamang lugar, kaya’t maaliwalas tingnan. Tahanan na may pagmamahalan at paggagalangan. Maingay sa tawa ng mga anak na naglalaro at nagkakasiyahan, masarap uwian (Kalusugan, Kalinisanan at Kabuhayan, Ch. 8, page 45, AM).

 

28.    Dapat nating igalang ang lahat ng tao, lalung lalo na yung mga mahihirap, gaya ng mga kasambahay at obrero. Hindi tamang tawagin silang alila, subali’t mga kasama sa bahay. Hindi dapat “hoy” ang tawag sa kanila, sapagka’t sila’y may pangalan. At kung uutusan sila ay mahalagang gamitin ang katagang “paki.” Sa ganitong punto ay magkakaroon sila ng dignidad sa trabaho at pagkatao (Mahinahon, Magalang at Hindi Mayabang, Ch.9,  page 50, AM).

 

29.    Paggalang sa buhay at pagkatao ng isa’t isa ang maglalayo sa atin sa gulo (Mahinahon, Magalang at Hindi Mayabang, Ch.9,  page 51, AM).

 

30.    Hindi tayo nauubusan ng dahilan sa tuwing tayo’y mahuhuli sa usapan. Lahat ng dahilan ay mayroon tayo. Kesyo sumakit ang ating ulo, nasira ang ating tiyan, natrapik tayo, nasiraan ang ating sasakyan, o ano pa man. Mabuti pang sinabi nating nasiraan tayo ng bait at ito’y kapanipaniwala sapagka’t ang pag-imbento ng dahilan na hindi totoo ay kasiraan ng ulo (Maagap at Matapat sa mga Kausap, Ch.10, page 55, AM).

 

31.    Ang taong hindi sumisipot sa takdang oras ng usapan ay mahirap pakisamahan at ang hindi sumisipot sa usapan ay hindi mapagkakatiwalaan. Nakawawala ng respeto ang taong laging huli o hindi sumisipot sa mga usapan. Sayang lang ang panahong igugugol natin sa ganitong uri ng mga tao (Maagap at Matapat sa mga Kausap, Ch.10, page 57, AM).

        

32.     Magbago tayo. Sumipot tayo sa takdang oras ng usapan at maging matapat sa ating mga kausap. Huwag tayong manloko at magpaasa ng tao. Sa pagiging maagap at matapat sa mga kausap, tayo igagalang at pagkakatiwalaan ng tao. Maging maagap at matapat tayo sa lahat ng mga kausap nang tayo’y igalang at pagkatiwalaan ng tao (Maagap at Matapat sa mga Kausap, Ch. 10, pages 57-58, AM).

        

33.     Ang masipag at maayos sa gawain ay may naabot at natatamo sa buhay. Kung masipag at maayos tayo sa pag-aaral ay makapagtatapos tayo. Kung masipag at maayos tayo sa trabaho ay kikita at aasenso tayo. Kung masipag at maayos tayo sa pagtatanim ay may aanihin tayo (Masipag at Maayos sa Gawain, Ch.11, page 59, AM).

        

34.    Kung ang trabaho natin ay gawing hanapbuhay ang pulitika ay huwag na tayong kumandidato. Mahiya tayo sa ating mga anak at apo. Kung ang trabaho natin ay maglingkod sa mga pulitikong nagnanakaw o nagpapayaman lang sa gobyerno ay magpakatamad-tamad tayo at iwan na natin ito. Kung ang trabaho natin ay tumanggap ng suhol at magnakaw sa gobyerno ay magpakatamad-tamad tayo at huwag na natin gawin ito (Masipag at Maayos sa Gawain, Ch.11, pages 60-61, AM).

 

35.    Ang kasipagan at kaayusan sa trabaho ay para lamang doon sa mga tamang gawain. Ang mga taong masipag at maayos sa mga maling gawain ay mga batugan at salot sa mundo. Hindi sila makapagbanat ng buto at ang kanilang katawan at isipan ay nanlulumo sa paggawa ng mabuti. Katulad nila’y mga uod na tumataba sa katamaran at mikrobyo (Masipag at Maayos sa Gawain, Ch.11, page 62, AM).

 

36.    Maging masipag at maayos tayo sa ano mang tama at mabuting gawain at tiyak na uunlad tayo. Maging masipag at maayos tayo sa paggawa ng mabuti at mga batugan sa paggawa ng masama. Ang kasipagan sa paggawa ng mabuti ang magpapaunlad sa ating bayan (Masipag at Maayos sa Gawain, Ch.11, pages 62-63, AM).

 

37.     Ang paghahanda sa ating hinaharap ay ngayon at hindi bukas. Ngayon ang panahon upang tayo’y maghanda sa lahat ng maaring maganap sa ating buhay (Mapaghanda sa Lahat na Kaganapan, Mapanatag sa Panganib at Labi ng Kasawian, Ch.12, page 67-68, AM).

 

38.    Huwag nating kalimutang tumawag sa Diyos sa araw-araw nating pamumuhay. Siya lamang ang tutugon sa lahat ng ating mga pangangailangan, ang magbibigay pag-asa at tatag sa atin upang labanan ang mga takot at pangamba sa ating dibdib at ang tanging magliligtas sa atin sa oras ng kagipitan at panganib  (Mapaghanda sa Lahat na Kaganapan, Mapanatag sa Panganib at Labi ng Kasawian, Ch.12, page 68, AM).

 

39.    Nasa atin ang paghahanda. Nasa Diyos ang awa. (Mapaghanda sa Lahat na Kaganapan, Mapanatag sa Panganib at Labi ng Kasawian, Ch.12, page 69, AM).

 

40.     Ang katahimikan at kaayusan ng lipunan ay makakamtan kung ang mga mamamayan ay matuwid gumanap sa kalayaan. Ang kaukulang halaga ng kalayaan ay responsibilidad. Hindi magkakaroon ng katahimikan at kaayusan saan mang lipunan kung ang mga mamamayan ay iresponsable sa kanilang pagganap sa kalayaan (Matuwid Gumanap sa Kalayaan, Ch.13, page 70, AM).

 

41.    Ang kalayaang magsalita ay hindi nagbibigay ng kalayaang magsalita nang hindi totoo o malaswa sa kapwa. Ang kalayaang mamahayag ay hindi nagbibigay ng kalayaang palabasing tama ang mali o mali ang tama. Ang kalayaang bumoto ay hindi nagbibigay ng kalayaang ipagbili ito. Ang kalayaang mahalal sa posisyon sa gobyerno ay hindi nagbibigay ng kalayaang abusuhin at pagkaperahan ito (Matuwid Gumanap sa Kalayaan, Ch.13, pages 71-72, AM).

 

42.    Hindi natin maaring gawin ang ano mang nais nating gawin sa ilalim ng malayang lipunan. Dapat nating isaalang-alang ang kabutihan at kapakanan ng ating pamilya, kapwa at bayan sa lahat ng ating ginagawa.  May mapipirwisyo ba o masasaktan sa ating gagawin? Kung mayroon ay huwag na natin itong gawin. (Matuwid Gumanap sa Kalayaan, Ch.13, page 72-73, AM).

 

43.    Maging matuwid tayo sa pagganap sa ating mga kalayaan. Ang pagiging responsable at matuwid sa pagganap sa kalayaan ang susi sa kaayusan at katahimikan ng ating bayan (Matuwid Gumanap sa Kalayaan, Ch.13, page 73, AM).

 

44.    Maituturing na sibilisado ang ating lipunan kung ang mga makapangyarihan, ang mga mayayaman, mga pulitiko, mga pulis at sundalo at mga taong nakahihigit ang katayuan kaysa pangkaraniwang mamamayan ay makatao sa paggamit ng kanilang kayamanan at kapangyarihan. (Makatao sa Paggamit ng Kapangyarihan, Ch.14, page 78, AM).

 

45.    Ang kayamanan at kapangyarihan ay dapat gamitin para sa kabutihan at hindi sa kasamaan, sa pagtulong at hindi pagpapahirap sa ating kapwa. Ang baril ay ipinagkaloob sa mga pulis at sundalo upang ipagtanggol at hindi isalvage ang mga api. (Makatao sa Paggamit ng Kapangyarihan, Ch.14, page 78, AM).

 

46.    Maging makatao tayo sa paggamit ng kapangyarihan. Huwag tayong mang-api, kung ayaw nating maapi. Huwag nating gawin sa ating kapwa ang ayaw nating gawin sa atin. Tandaan natin ang wika ng ating Panginoong Hesus, “Ano mang ginawa mo sa iyong kapwa ay ginawa mo sa akin (Makatao sa Paggamit ng Kapangyarihan, Ch.14, pages 78- 79, AM).

 

47.    Magmalasakit tayo sa ating kapwa. Gawin nating layunin sa buhay ang pagmamalasakit sa kapwa. Ang mga mamamayang nagmamalasakit sa isa’t isa ang kailangan sa pagbubuo ng matahimik, maayos at maunlad na bansa. (Tagatagubilin sa mga Kamalian, Kasamaan, at Kalabisan sa mga Mamamayan, Ch.15, page 84, AM).

 

48.    Huwag nating ituring na abala at mapanganib ang tumestigo. Kung ganito ang ating pananaw ay hindi mawawala ang mga karahasan at kasamaan sa ating lipunan. Patuloy itong mangyayari at la-lala, hanggang matunghayan nating ang biktima ay ang mga mahal natin. (Masugid na Kaaway ng Kasamaan at Karahasan, Ch.16, page 88, AM).

 

49.    Maging masugid tayong kaaway ng karahasan at kasamaan. Sugpuin at wasakin natin ang mga karahasan at kasamaan sa ating lipunan. Huwag nating hayaang ang mga karahasan at kasamaan na ating nalalaman o nasaksihan ay lumampas nang hindi napaparusahan. (Masugid na Kaaway ng Kasamaan at Karahasan, Ch.16, page 90, AM).

 

50.    Ang bawat mamamayan ay dapat maging tagapagtaguyod ng katarungan at kapayapaan. Ang tagapagtaguyod ng katarungan at kapayapaan ay higit sa lahat naniniwala sa wika at kapangyarihan ng Diyos. Ang kanyang ipinaglalaban ay hindi ang katarungan at kapayapaang kanyang naiintindihan, subali’t ang katarungan at kapayapaan ng Diyos. (Tagapagtaguyod ng Katarungan at Kapayapaan, Ch.17, page 92, AM).

 

51.    Ang katarungan at kapayapaan ay ang pagwawagi ng katotohanan laban sa kasinungalingan, ng tama laban sa mali, ang makitang naparusahan ang kasamaan at nagbayad ang may utang. (Tagapagtaguyod ng Katarungan at Kapayapaan, Ch.17, page 93, AM).

 

52.    Anong karapatan nating hingin ang ulo ng tao kung tayo mismo ay hindi malinis? Kung sa panahon ng halalan ay tumatanggap tayo ng suhol sa mga babasaging diyos ng droga at pasugalan? Ang sinomang mamamayan na ni minsan ay hindi nakapaglasing, hindi nakipag-away, hindi nakatikim ng droga, hindi dumampi sa perang galing sa katiwalian o nag-isip ng kamunduhan ay siya lamang may karapatang magsabi na ang tao ay dapat parusahan ng kamatayan. (Tagapagtaguyod ng Katarungan at Kapayapaan, Ch.17, pages 95-96, AM).

 

53.    Ang tao ay hindi isinilang upang pumatay. At sapagka’t ang estado ay binubuo ng tao ay wala rin itong karapatang maghusga ng kamatayan (Tagapagtaguyod ng Katarungan at Kapayapaan, Ch.17, page 96, AM).

 

54.    Gawin nating maka-Diyos ang ating bayan. Huwag nating agawin ang karapatan at kapangyarihan ng Diyos na kumuha ng buhay. Huwag tayong umastang parang Diyos na maaaring pasiyahan ang buhay ng iba. (Tagapagtaguyod ng Katarungan at Kapayapaan, Ch.17, page 97, AM).

 

55.    Tungkulin ng bawat mamamayan ang magmahal at mag-aruga sa kanyang pamilya at gumalang sa kanyang mga magulang (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, page 100, AM).

 

56.    Ang kawalan ng pagmamahalan, pag-aaruga at paggalang ng mag-anak sa isa’t-isa ang sumisira sa pamilya, ang nagiging sanhi ng paghihiwalay ng mag-asawa, ng pagkakaroon ng ibang pamilya ng taong may asawa, ng paglapastangan ng anak sa kanyang ama’t ina, ng ama sa kanyang anak at pagkaligaw ng landas ng mga miyembro ng pamilya (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, pages 100-101, AM).

 

57.    Ang mga magulang ang nagdadala ng pamilya. Ang ama ang pinuno nito kaya’t dapat magpasakop ang ina sa kanya. Ang ama ang haligi ng tahanan at ang ina ang ilaw nito. Kung mahina ang haligi ay babagsak ang pamilya at kung madilim ang ilaw ay hindi makikita ang tamang landas na dapat tahakin ng pamilya. (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, page 101, AM).

 

58.    Ang mag-asawa ay dapat magmahalan, maggalangan, magtulungan, magsunuran, magbigayan at maging tapat sa isa’t isa. Ang ama na natutulog sa kandungan ng iba ay marupok na haligi ng tahanan na maaaring maging sanhi ng pagguho nito. Ang ina na nagtataksil sa kanyang asawa ay hindi ilaw, subali’t apoy na tutupok sa kanyang pamilya. (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, page 102, AM).

 

59.    Dapat magpakita ng mabubuting gawa ang mga magulang sa kanilang mga anak. Ang pinakamagandang halimbawa na maipapamalas ng mag-asawa sa kanilang anak ay ang hindi mag-away. Paano sasawayin ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa pag-aaway kung sila mismo ay nagsisigawan at nagsasakitan? (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, page 102, AM).

 

60.    Hindi tamang parusahan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang mga problema sa pamilya ay dapat pag-usapan, maging mga katanungan tungkol sa kasarian ng miyembro nito. Ang mag-anak na nag-uusap ay nagkaka-unawaan at nagkakatulungan sa mga suliranin ng isa’t isa. (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, page 103, AM).

 

61.    Dapat makinig, sumunod at gumalang ang anak sa kanyang mga magulang. Ang pagiging masunurin at magalang na anak ay pinagpapala (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, page 103-104, AM).

 

62.    Hahanapin natin ang isang bagay kung ito’y wala na. Huwag nating hintayin ang panahon na ating sabihin na sana ay nakagawa tayo ng mga bagay na ikasisiya ng ating mga magulang. Gawin natin ang lahat ng mabubuting bagay na ating magagawa sa ating ama at ina habang sila’y nabubuhay pa. Malungkot maranasan na sila’y pumanaw na hindi natin nabigyan ng ligaya at ginhawa (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, pages 104-105, AM).

 

63.   Ang pamilya ang bumubuo ng lipunan. Ang pagkakaroon ng pagmamahalan, pag-aaruga, paggalang at pagkakaintindihan sa pamilya ang maghuhubog ng mga mapayapa at mabubuting mamamayan, na siyang kailangan sa pagsasa-ayos ng ating magulo at masalimuot na lipunan (Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya Magalang sa mga Magulang, Ch.18, page 106, AM).

 

64.    Ang tunay na pagkakaibigan ay yung nagmamalasakit, parehas, magalang at totoo sa isa’t isa. Iniisip ang kalagayan ng kaibigan at ibinibigay ang kaukulang pagkakataon upang ito rin ay umunlad. Yun kusang tumutulong para sa ikabubuti ng kaibigan. Hindi kailangang pakiusapan pa. Yung hindi mga pekeng bagay ang ibinibigay, subali’t totoong pakikisama na ikalulugod at ikauunlad ng isa. Yung hindi nagbabago at nagmamataas. Hindi nabubulag sa pera at kapangyarihan na mayroon siya. Ginagalang at nirerespeto ang pagkatao at paniniwala ng kaibigan at hindi ito pinagagawa o inuudyukang gumawa ng masama. Hindi tinatalikuran at ipinagkakanulo ang kaibigan niya (Masamang Panaginip, Ch.19, pages 111-112, AM).

 

65.    Ang taong nagbibigay ng huwad na bagay sa kanyang kaibigan at nagtutulak rito na gumawa ng masama ay hindi kaibigan, subalit taong manloloko, sinungaling at magpagsamantala (Masamang Panaginip, Ch.19, page 113, AM).

 

66.    Ang mabuting mamamayan ay mapangalaga sa kinabukasan ng kabataan. Ang kabataan ay ang mga nilalang na dahil sa murang pangangatawan at isipan ay dapat pangalagaan at gabayan ng kanilang mga magulang at pamahalaan (Mapangalaga sa Kinabukasan ng Kabataan, Ch. 20, page 115, AM).

 

67.    Anong kinabukasan mayroon ang mga kabataan sa ating kasalukuyang lipunan?  Lipunang walang paggalang sa Diyos at pagpapahalaga sa buhay. Lipunang laganap ang kurapsyon at pinamumunuan ng mga pulitikong kapangyarihan at pera ang pangunahing layunin sa panunungkulan. Lipunang laganap ang kahirapan at kawalan ng kabuhayan, kaya’t ang mga magulang ay nagtratrabaho sa ibang bansa, mabuhay at mapaaral lamang ang mga anak. Lipunang laganap ang droga, patayan, holdapan, panggagahasa, putahan at mga pasugalan.  Lipunang nakalalagnat ang trapik, marumi ang paligid, ang hangin at ang tubig, binabaha sa konting ulan, ang mga kabundukan ay ahit, marurumi ang karagatan, patay at tuyot ang mga ilog at batis. Lipunang napakaraming kabataan ang ginagahasa at pinapaslang ng mga adik. Anong ginhawa, kasiyahan, kalakasan, kapayapaan  at kaligtasan ang idudulot ng ganitong uri ng lipunan sa ating mga kabataan? (Mapangalaga sa Kinabukasan ng Kabataan, Ch. 20, pages 115 -117, AM).

 

68.    Sinasabing ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Higit sa kabataan, tayong mga magulang at nakatatanda ang pag-asa ng bayan, sapagka’t tayo ang gumagawa ng lipunang kinamumulatan, hinihingahan, ginagalawan at kinalalakhan ng mga batang susunod na ma-mamayan sa ating bayan. Tayo ang humuhubog sa kanilang murang pangangatawan at isipan (Mapangalaga sa Kinabukasan ng Kabataan, Ch. 20, page 117, AM).

 

69.    Ang mabuting magagawa natin sa kabataan ay ang handugan sila ng matahimik, maayos, makatarungan, malinis at maunlad na lipunan. Yung walang gulo at patayan. Lipunang malaya sa droga at mga bisyong sumisira sa ating katauhan. Lipunang may pagkakataon silang makapag-aral at mamuhay ng marangal. Lipunang maraming puno at malinis na karagatan, ilog at batis, kung saan sila’y makapaglalaro sa lilim, yakap at bendisyon ng kalikasan (Mapangalaga sa Kinabukasan ng Kabataan, Ch. 20, pages 118-119, AM).

 

70.    Kaawa-awa ang ating kabataan kung hindi natin aayusin at babaguhin ang ating bulok at naghihingalong lipunan. Wala silang patutunguhan kundi kapahamakan o kamatayan. Subali’t higit na kaawa-awa ang ating bayan, kung ang kanyang mga musmos na anak ay mamumuhay sa ating kasalukuyang lipunan, na nagmimistulang isang malalim at malawak na libingan ng mga kabataan (Mapangalaga sa Kinabukasan ng Kabataan, Ch. 20, page 119, AM).

 

71.    Ang kabataan ang pinakamahalagang yaman ng bayan na dapat nating arugain, paka-ingatan at akayin sa maliwanag na landas ng mga banal na mithiin at adhikain natin. Bilang mga magulang at nakatatandang miyembro ng lipunan ay dapat nating pangalagaan ang kanilang kinabukasan para sa kaayusan, katahimikan at kaunlaran ng ating bayan (Mapangalaga sa Kinabukasan ng Kabataan, Ch.20, pages 119-120, AM).

 

72.    Mahalaga sa bawat mamamayan ang magkaroon ng magandang relasyon sa kanyang mga kapitbahay. Ang kapitbahay ang unang maaasahan natin sa oras ng pangangailangan, kagipitan o panganib. Tungkulin nating gawin ang mga bagay na inaasahan nating gagawin sa atin ng ating kapitbahay sa oras ng pangangailangan, kagipitan o panganib. Ito ang dapat maging panuntunan natin—ang makipagtulungan at damayan sa ating mga kapitbahay sa oras ng  pangangailangan, kagipitan o panganib (Mapangalaga sa Kaligtasan ng mga Kapitbahay, Ch.21, pages 121-123, AM).

 

73.    Kung wala tayong magawang mabuti sa ating mga kapitbahay ay huwag natin silang gawan ng masama. Huwag natin silang idamay sa ating mga masasamang gawa (Mapangalaga sa Kaligtasan ng mga Kapitbahay, Ch. 21, page 124, AM).

 

74.    Ang bawat nilalang ay mamamayan hindi lang ng kanyang bayan subali’t ng sanlibutan, kaya’t marapat tayong makiisa sa kabutihan ng sangkatauhan (Mapagkaisa sa Kabutihann ng mga Mamamayan at Sangkatauhan, Ch.22, page 127, AM).

 

75.    Tayo ay nilikha hindi para sa ating sarili subali’t para sa ating kapwa. Makiisa tayo sa kabutihan ng ating mga kababayan at sangkatauhan. Tulungan natin ang mga tunay na nangangailangan at makipag-daup palad tayo sa mga mahihina at may karamdaman. Tandaan natin ang wika ng ating Panginoong Hesus, “Ano mang maliit na ginawa mo sa iyong kapwa ay ginawa mo sa Akin.” (Mapagkaisa sa Kabutihan ng mga Mamamayan at Sangkatauhan, Ch. 22, pages 130-131, AM).

 

76.    Ang mabuting mamamayan ay kumikilos at namumuno sa pagpapalaganap ng kalinisan, kalusugan, kaligtasan, kapayapaan, katarungan at kasaganahan ng mga mamamayan (7K, Ch.23, page 132, AM).

 

77.    Kung tayong lahat ay kikilos at mamumuno sa pagpapalaganap ng kalinisan, kalusugan, kaligtasan, kapayapaan, katarungan at kasaganahan ng ating mga mamamayan ay magkakaroon ng kaayusan, katahimikan at kaunlaran ang ating bayan (7K, Ch.23, page 136, AM).

 

78.    Magtanim tayo ng mga puno. Ngayon at hindi bukas. Taniman natin ang lahat ng maaring tamnan. Itanim natin ang kahit anong puno upang tayo’y may lilim na masilungan. Ang lahat ng lugar ay gawin nating luntian. Gawin nating hardin ang ating kalunsuran at gubat ang ating mga kabundukan. Mga gubat na walang ahas at buwaya na sisira sa kalikasan (Mapangalaga at Kalinga sa Kapaligiran at Lawak ng Kalikasan, Ch.24, pages 142-143, AM).

 

79.    Mag-iwan tayo ng alaala sa ating mga minamahal. Ang punong ating itinanim ang pinakamagandang alaala na ating maiiwan. Ipagtanim natin ng puno ang lahat ng ating minamahal at ito’y ating alagaan. Alalahanin natin ang pagsilang ng ating mga anak at pagpanaw ng mga minamahal sa pagtatanim ng puno. Kung tayo’y nag-iisa ay magtanim rin tayo bilang alaala ng ating katauhan  (Mapangalaga at Kalinga sa Kapaligiran at Lawak ng Kalikasan, Ch.24, page 143, AM).

 

80.    Linisin natin ang ating mga ilog at karagatan. Huwag natin itong gawing basurahan, palikuran at tapunan ng mga taong ating pinaslang. Pangalagaan at kalingain natin ang ating kapaligiran at kalikasan para sa ating kinabukasan. Magtanim tayo ng mga puno nang kahit paano’y may maiwan tayong kabutihan sa ating mga anak at bayan (Mapangalga ast Kalinga sa Kapaligiran at Lawak ng Kalikasan, Ch.24, page 144, AM).

 

81.    Ang taong hindi nakapagtanim ng puno kahit minsan ay walang lilim na iiwan sa kabataan at bayan (Mapangalaga at Kalinga sa Kapaligiran at Lawak ng Kailikasan, Ch.24, page 145, AM).

 

82.    Kanya-kanya ng kaalaman ang tao. Ang talino at kakayahan ng tao ay hindi sa lahat ng bagay. Samakatuwid, pakialaman lamang natin yung mga bagay na mayroon tayong kaalaman. Huwag nating panghimasukan ang hindi natin nalalaman. Lalung gugulo ang ating bayan kung lahat ay magsasabing sila ang makalulutas sa mga partikular na problema ng bayan. (Nakikialam sa mga Kaguluhan ng Lipunan, Mapanaliksik ng mga Kalutasan sa mga Problema ng Bayan, Ch.25, page 149, AM).

        

83.    Makialam tayo sa mga suliranin ng ating lipunan para sa ikabubuti at ikauunlad ng ating bayan. Ang taong hindi nakikialam o walang-paki sa mga di-kaayusan at kaguluhan ng lipunan at mga problema ng bayan ay walang halagang bahagi ng lipunan (Nakikialam sa mga Kaguluhan ng Lipunan, Mapanaliksik ng mga Kalutasan sa mga Problema ng Bayan, Ch.25, page 152, AM).

 

84.    Ang kultura ng bayan ay ang kabuuhan ng pag-uugali at paniniwala ng mga mamamayan ng bunga ng kanilang mga karanasan sa lipunan (Mapangalaga sa Kultura at Mabubuting Kaugalian ng Bayan, Ch.26, page 153, AM).

        

85.    Ang ugali ng tao ay larawan ng kultura at kaugalian ng pamilya at lipunang kinalakhan niya. Ang bawat tao ay kinatawan o tagapagsalin ng kultura sapagka’t ang kanyang ginagawa ay maaaring tularan ng iba (Mapangalaga sa Kultura at Mabubuting Kaugalian ng Bayan, Ch.26, page 153, AM).

        

86.    Ang kultura ng pandaraya ay nakaugat na sa atin, simula pagkabata hanggang pagtanda. Noon ay sa paaralan tayo nandaraya, ngayon ay halalan ang ating dinaraya (Mapangalaga sa Kultura at Mabubuting Kaugalian ng Bayan, Ch. 26, page 154, AM).

        

87.     Ang kultura ng pagnanakaw ay nakaugat na sa atin, kaya’t ang unang mithiin ng mga pulitiko natin ay pagpapayaman sa tungkulin (Mapangalaga sa Kultura at Mabubuting Kaugalian ng Bayan, page 155, AM).

        

88.    Ang kultura ng kalupitan sa hayop ay nakaugat na sa atin, kaya’t ang aso na dapat alagaan ay kinakain natin (Mapangalaga sa Kultura at Mabubuting Kaugalian ng Bayan, Ch. 26, page 155, AM).

        

89.    Ang kultura ng pakikiramay o pakikiisa sa kaapihan ng kapwa, bayanihan o pakikipag-tulungan, pagkakaroon ng mabuting kalooban sa mga dayuhan, paggalang sa magulang at higit sa lahat, pagsamba at paggalang sa Diyos ay mabubuting kaugalian na dapat pangalagaan at pagyamanin (Mapangalaga sa Kultura at Mabubuting Kaugalian ng Bayan, Ch.26, pages 155-156, AM).

        

90.    Ang kultura ng pagsamba at paggalang sa Diyos ay dapat pag-ibayuhin, sapagka’t ito ang daan upang malinis ang ating mga kasalanan at maling gawain (Mapangalaga sa Kultura at Mabubuting Kaugalian ng Bayan, Ch.26, page 157, AM).

        

91.    Ang mabuting mamamayan ay matulungin sa mga makatao at makabayang layunin ng pamahalaan. Ang makataong layunin ay yaong bumubuhay sa tao at nagtataas ng dignidad nito. Nagbibigay sa tao ng pagkakataong mamuhay bilang tao. Ang makabayang layunin ay yaong bumubuo at hindi naghahati sa bansa. Pinahahalagahan una sa lahat ang kapakanan ng karamihan ng mga mamamayang bumubuo nito (Matulungin sa mga Makatao at Makabayang Layunin ng Pamahalaan, Ch. 27, page 160, AM).

        

92.    Malalaman nating makatao ang mga namumuno sa bayan kung ang kapakanan at kabutihan ng mga mamamayan at hindi sariling interes ang kanilang ipinaglalaban at pinagkakaabalahan (Matulungin sa mga Makatao at  Makabayang Layunin ng Pamahalaan, Ch. 27, page 164, AM).

 

93.    Ang pagpilit at pag-giit ng mga programa ng gobyerno ay hindi makatao kung ito’y isinusuka o labag sa kalooban ng tao. Hindi tamang ipalunok sa mga mamamayan ang hindi nila gusto. Ang pagsulong sa mga programa ng gobyerno ay dapat lamang tangkilikin kung ito’y makabubuti at tinatanggap ng tao. Ang pinunong nagpipilit ng mga bagay na ayaw ng mga mamamayan ay hindi makatao at hindi makabayan. Sinisilaban at pinakukulo niya ang damdamin ng bayan na maghahati sa mga taong nakikinabang sa kanya at mga mamamayang naniniwalang ang pag-unlad ay nasa kalinisan at katapatan ng panunungkulan sa gobyerno (Matulungin sa mga Makatao at Makabayang Layunin ng Pamahalaan, Ch.27, pages 164-165, AM).

        

94.    Hindi na panahon ng pananakop, subali’t ng pagkakaibigan, pagtutulungan at pagkakaisa ng mga bansa. Ang dapat layunin ng bawat pamahalaan sa buong daigdig ay hindi pananakop, subali’t pagrespeto sa kasarinlan at kalayaan ng bawat bayan (Maalab na Tagapagtanggol sa Kasarinlan at Kalayaan ng Bayan, Ch.28, page 166, AM).

        

95.    Nasa pagkakaibigan, pagtutulungan, pagkakaisa at paggalang sa kasarinlan at kalayaan ng bawat bansa ang kapayapaan at kaligtasan ng sanlibutan. Ang kasarinlan ng bayan ay ang kalayaan ng mga mamamayan na pumili at magluklok sa mga pinuno ng kanilang pamahalaan at pasiyahan kung ano ang mabuti at nararapat sa kanilang kabuhayan, kaligtasan at kinabukasan. Ang kalayaan ng bayan ay ang pagkakaroon ng karangalan at kapayapaan ng mga mamamayan sa kanilang katauhan. Ang paggalang at pagkilala sa kanilang karapatang punahin ang mga kakulangan o kalabisan ng pamahalaan (Maalab na Tagapagtanggol sa Kasarinlan at Kalayaan ng Bayan, Ch.28 page 167, AM).

 

96.    Malaya ang bayan kung ang mga mamamayan ay may kalayaang magpahayag ng kanilang mga karaingan sa pamahalaan at walang pangambang sabihin ang kanilang mga puna sa mga namumuno nito. Ang bayang may busal ang mga mamamayan ay hindi malaya. Katulad nito’y bilangguan na dapat wasakin ng mga mamamayang may wagas na layunin para sa bayan (Maalab na Tagapagtanggol sa Kasarinlan at Kalayaan ng Bayan, Ch.28, pages 167-168, AM).

 

97.    Ang pananatili ng malaking agwat sa buhay ng mga mahihirap at mayayaman ay kawalan ng kalayaan ng mga mamamayan na makaahon sa kahirapan (Maalab na Tagapagtanggol sa Kasarinlan at Kalayaan ng Bayan, pages 168-169, AM).

 

98.    Ano mang uri ng panlilinlang na ang layon ay pag-agaw sa kapangyarihan ng pamahalaan at pagyurak sa kalayaan ng bayan, para sa sariling kapakanan ay dapat tumbasan ng mainit na pagtutol ng mga mamamayan. Hindi kalayaan ang magkaroon ng bandilang nakawagayway sa lupang ang mga mamamayan ay alipin sa sariling bayan (Maalab na Tagapagtanggol sa Kasarinlan at Kalayaan ng Bayan, Ch.28, page 170, AM).

 

99.    Hindi dapat maulit ang madilim na kasaysayan ng ating bayan kung saan ito’y pinagharian at hinalay ng isang tao lamang. Ito’y malupit na kabanata sa ating bansa na hindi dapat maulit kailan man (Maalab na Tagapagtanggol sa Kasarinlan at Kalayaan ng Bayan, Ch.28, page 170, AM).

 

100.   Ang sukat ng kagitingan ng isang bansa ay kung ang kanyang mga anak ay handang lumaban at mag-alay ng buhay para sa kasarinlan at kalayaan ng bayan (Maalab na Tagapagtanggol sa Kasarinlan at Kalayaan ng Bayan, Ch.28, page 171, AM).